Paninira kay Governor Deloso dadagsa
ZAMBALES, Philippines – Inaasahan na ni Zambales Governor Amor Deloso na dadagsa ang paninira (demolition job) laban sa kanya mula sa mga kalabang kandidato sa May 2010 eleksyon.
Ito ang sinabi ni Deloso makaraang isisi sa kanyang administrasyon ang pagkasunog ng palengke sa bayan ng Iba kung saan umabot sa P50 milyong ari-arian ang naabo noong Disyembre 29, 2009.
“Tipikal na demolition job lamang ng mga kalaban ko sa pagka-gobernador ang mga naglalabasang mga malisyosong artikulo sa mga pahayagan laban sa akin,” pahayag ni Deloso.
Pati na ang pagkakaroon niya ng Private Armed Group gayung tatlo lamang ang kanyang bodyguard at ang pagkakaroon din ng maraming sasakyan, samantalang dalawa lamang ang kanyang behikulo na kapwa may red plate.
“Ngayon lamang nangyari sa Zambales na ang kandidato ay gumagamit ng maduming taktika at demolition job para lamang manalo. Huwag nating hayaang mababoy ang magandang kultura ng mga Zambaleño,” dagdag pa ni Deloso.
Si Deloso na muling tatakbo sa gubernatorial race sa Zambales ay nasa ilalim ng Liberal Party na sumusuporta sa presidential bid ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III. Randy Datu
- Latest
- Trending