BAYBAY CITY, Philippines – Kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad ang siyam na pugante mula sa Leyte sub-provincial jail sa Baybay City na sinasabing nang-hostage muna ng duty guard na nagsagawa ng head count sa nasabing piitan bago nagsitakas noong Linggo ng gabi.
Kinilala ni PG1 Nelson Ibañez, jail warden ng nasabing piitan ang mga nakapuga na sina Cornelio Rico (droga) ng Margo sa Tubig, Zamboanga Del Sur (kasong illegal drugs); Joy del Monte (murder) ng Lapinig, Northern Samar; Leonil Flores, ng Mahaplag, Leyte (kasong qualified theft at rape); Edgar Dumanggas ng Brgy. Gacat, Baybay City (murder); Romvick Bakiyo, ng Sagkahan, Tacloban City (carnapping at pagnanakaw); Arturo Palmero na taga Brgy. Siaboc (kasong rape); Patricio Austero ng Brgy. Alta Vista; Albert Raga ng Albuera, Leyte (carnapping at pagnanakaw); at si Carlos Camogao, ng Ormoc City (murder/ at pagnanakaw).
Napag-alamang nagsagawa ng final headcount si PG1 Alex Cinco sa mga bilanggo nang maganap ang insidente.
Hindi na nakapanlaban pa ang tatlong guwardiya na sina PG1s Guillermo Flores, Rafael Veloso, at Ramil Diosa dahil sa namataan nila na si Cinco ay tinutukan ng baril ng mga pugante habang papalabas ng selda kung saan ginamit na gateway ang motorsiklo na may plakang YT 6650. Roberto Dejon