BALANGA CITY, Bataan , Philippines — Isang negosyanteng babae ang hinoldap ng tatlong hindi kilalang mga kalalakihan habang bumababa ito sa kanyang owner type jeep sa harapan ng kanyang bahay sa Barangay Talisay, Balanga City, Bataan kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na hindi na nakapalag dahil binaril siya sa balikat ay kinilala ni Bataan Police Director P/Sr.Supt. Manuel Gaerlan na si Emelyn Hocson y Vicente, 44-anyos.
Pauwi na ang biktima galing sa kanyang botika at, pagsapit sa harapan ng kanyang tahanan, dalawang lalaki ang tumutok sa kanya ng patalim na ang isa ay may hawak ng .38 kalibreng baril at nagdeklara na hold-up.
Sapilitang hinatak ng mga suspek ang tangang bag ng biktima at nang ayaw bitiwan ay pinaputukan siya sa kaliwang balikat kaya nabitiwan nito ang kanyang attaché case na naglalaman ng P5,000 cash at mga blangkong tseke. Jonie Capalaran