MANILA, Philippines - Umaabot sa P300,000 halaga ng mga ipinagbabawal na paputok na nasamsam ng mga awtoridad sa serye ng operasyon nitong Kapaskuhan ang winasak sa Camp Alfredo Montelibano sa Negros Occidental nitong Lunes.
Ayon kay Negros Provincial Police Office Spokesman Chief Inspector Rico Santotome Jr. ang ceremonial destruction ng iba’t ibang uri ng paputok ay sinaksihan ni Dr. Luisa Efren, Provincial Health Officer, mediamen at ng mga opisyal at tauhan ng pulisya.
Sinabi ni Santotome na ang mga winasak na bawal at malalakas na uri ng paputok ay nasamsam ng kanilang mga operatiba alinsunod sa “Oplan Iwas Paputok campaign” ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa.
Nagresulta rin ito sa pagkakaaresto ng 37 katao sa paglabag sa Republic Act 7183 o ang Firecrackers Law sa kabuuang 14 operasyon sa lalawigan ng Negros Occidental.
Kabilang dito ang libu-libong kahon ng mga piccolo na na samsam sa mga retailers sa 21 lungsod at 19 munisipalidad di to. Joy Cantos