Kotse vs tindahan: Pamilya, 4 todas
DIADI, Nueva Vizcaya, Philippines— Kamatayan ang sumalubong sa 2010 ng apat na miyembro ng pamilya matapos bumangga ang kanilang sinasakyang kotse sa tindahang nasa gilid ng highway sa Barangay Poblacion sa bayan ng Diadi, Nueva Vizcaya.
Sa ulat ng pulisya, nakilala ang mga nasawi na sina Eduardo Datu, 36; asawang si Zenaida Vergara-Datu, 34; anak na si Sandra Datu, 4 at Jonathan Vergara, 35, pawang nakatira sa Santa Cruz, Manila.
Ayon kay P/Senior Inspector Rogelio Garcia, dakong alas-5:30 ng umaga noong Huwebes nang maganap ang sakuna kung saan bumangga ang Toyota Corolla (TFX 336) na sinasakyan ng pamliya Datu sa tindahan sa gilid ng kalsada sa nabanggit na barangay.
Napag-alamang patungo sana sa bayan ng Aurora, Isabela ang pamilya Datu mula sa Manila upang ipagdiwang ang pagpasok ng Bagong Taon nang makasalubong si kamatayan.
Naisugod pa sa De Vera’s Hospital sa Santiago City-Isabela ang mga bik tima subalit magkakasunod na namatay dahil sa matinding pinsalang natamo.
Habang sinusulat ang balitang ito ay nasa malubhang kalagayan ang isa pang pamilya Datu na si Angel, 9, na nakaligtas sa trahedya.
May teorya ang mga imbestigador na nakaidlip ang driver na si Eduardo kung kaya’t nawalan ito ng control sa manibela at sumalpok ang kanilang sasakyan.
- Latest
- Trending