4 nasagip sa lumubog na bangka
BATANGAS CITY, Philippines — Isang linggo makalipas lumubog ang M/V Beleno 9 sa karagatan malapit sa Isla Verde sa Batangas, isa na namang bangka ang nilamon ng dagat sa nabanggit na lugar kung saan nasagip ang apat na sakay nito kahapon ng tanghali.
Kinilala ni Lt. Commander Troy Cornelio, kumander ng Batangas Coast Guard, ang mga survivor na sina Aaron Feranco, 21; John Sheriff Feranco, 18; Aiko Feranco, 20 at si Jordan Tiamsim, 18, pawang residente ng coastal barangay sa Isla Verde, Batangas City.
Ayon kay Aaron, lumayag sila mula sa Isla Verde patungo sanang Batangas City bandang alas-11:45 ng umaga nang hampasin nang malalakas na alon pagsapit sa may Matuko Point hanggang sa lumubog ang kanilang bangka bandang alas-12:30 ng tanghali.
Masuwerte na lang at nakakapit sila sa kapirasong kawayan habang nagpalutang-lutang sa karagatan hanggang sa madaanan sila ng SuperCat 23 bandang ala-1:15 ng hapon.
“ Buti na lang nakita nila kami nung iwinagayway namin ang mga damit namin sa ere habang nakalutang kami sa dagat,” ani Aaron.
Dinala sa Batangas Port ang mga survivor para lapatan ng first aid at wala namang nagtamo ng grabeng pinsala.
Samantala, nagsasagawa pa rin ng search and rescue operation ang Philippine Coast Guard at Philipine Navy sa karagatan ng Batangas at Mindoro at kalapit coastal barangay nang naturang lalawigan para hanapin pa ang mga nawawalang pasahero ng M/V Baleno 9 na lumubog noong Sabado ng gabi. Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending