MANILA, Philippines - Natusta ang katawan ng mag-ina at isa pang sibilyan makaraang makulong sa loob ng nasusunog na pabrika ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Gingoog City, Misamis Oriental kamakalawa ng gabi.
Hindi na makilala ang nagmistulang uling na bangkay ng mag-ina na sina Jucilyn Guibone at anak nitong si Juros, 5, at isa pang ‘di nakilalang lalaki.
Batay sa report na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na nasunog ang pagawaan ng paputok na pag-aari ni Adonis Guibone sa kahabaan ng Barangay 22 A sa lungsod pasado alas-6 ng gabi.
Napag-alamang dalawa sa mga trabahador sa pabrika ng paputok ang tinesting ang lakas ng pagsabog ng paputok (Silver Star), isa sa mga ipinagbabawal na malakas na uri ng paputok.
Gayon pa man, sa halip na paitaas ay tumama ang sinindihang paputok sa nakaimbak na mga paputok na nagmistulang war zones sa sunud-sunod na malalakas na pagsabog na lumikha ng makapal na usok at pagkalat ng apoy.
Nang mabatid naman ng misis na naglalaro ang kaniyang anak sa loob ng pabrika ng paputok ay sinuong nito ang makapal na usok upang sagipin ang bata.
Nabatid na hindi na nagawa pang makalabas ng mag-ina matapos makulong sa naglalagablab na pabrika.
Sa inisyal na pagtaya, sinabi ng opisyal na umaabot sa P.4 milyong ari-arian ang pinsala ng sunog sa pabrika ng paputok ng pamilya Guibone.