Zambales, Philippines — Tinatayang aabot sa P150 milyon halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy makaraang masunog ang pamilihang bayan ng Iba, Zambales kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Inspector Leo Sanchez, hepe ng BFP, lumilitaw na nagsimula ang sunog bandang alas-8:30 ng gabi kung saan nagmula ang apoy sa isang tindahan na impakan ng mantika sa loob ng palengke.
“Isang tindera ang agad na kumuha ng tubig at ibinuhos sa apoy subalit sa halip na mamatay ay lalo itong lumaki at kumalat,” pahayag ng isang testigo.
Naapektuhan ng sunog ang may 1,200 tindahan kung saan tumagal ng apat na oras bago tuluyang naapula ng mga tauhan ng pamatay sunog.
Samantala, inatasan na ni Zambales Governor Amor Deloso si Iba Mayor Danilo Pamoleras na pulungin agad ang konseho ng bayan upang talakayin ang pagtatayo ng pansamantalang palengke at ang relokasyon nito.
Nangako naman ang gobernador na handa itong mag-donate ng kanyang sariling pera upang gamitin sa pagpapatayo ng bagong palengke.
“Dapat mapagpasyahan agad ng konseho ang pagpapatayo ng pa lengke dahil isa ito sa pangunahing pasilidad ng bayan,” dagdag pa ni Deloso. Randy Datu at Alex Galang