CAMP VICENTE, LIM, LAGUNA, Philippines — Kamatayan ang sumalubong sa Bagong Taon sa isang 71-anyos na doktora matapos pagnakawan ay sunugin pa ng mga miyembro ng Akyat-Bahay Gang sa loob ng kanyang apartment sa bayan ng Silang, Cavite kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Supt. Danilo Buentipo, hepe ng Silang PNP, ang biktimang si Dra. Engracia Dela Cruz, matandang-dalaga, dating Municipal Health Officer sa bayan ng Silang, tubong Meycauayan, Bulacan at residente ng #18-D E. A Apartment, V. Toledo St. Barangay 4.
Lumilitaw na nakatanggap ng ulat ang Silang Bureau of Fire na nasusunog ang apartment ng doktora bandang alas-7:30 ng gabi.
Natagpuan ng mga bombero ang sunog na katawan ng doktora habang nakahiga pa sa kanyang kama na may nakatakip na unan at mga damit sa mukha.
Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alamang pinasok ng mga kawatan ang apartment ng biktima matapos wasakin ang bintana.
May palatandaan ding sinakal ang biktima hanggang sa mapatay bago sinunog ang bahay para maitago ang mga ebidensya at lituhin ang mga imbestigador.
Inaalam pa ng pulisya ang halaga ng mga ari-arian na nawawala habang patuloy ang imbesti gasyon. Dagdag ulat ni Joy Cantos