3 mag-uutol nalitson sa sunog
MANILA, Philippines - Masaklap ang pagsalubong sa Bagong Taon ng isang pamilya matapos na masawi sa sunog ang tatlong mag-uutol kabilang ang isang sanggol na babae sa bayan ng Milaor, Camarines Sur noong gabi ng Pasko.
Kabilang sa mga namatay ay sina Maria Cristina Hormina, 5; Kaila, 3; at ang pitong buwang sanggol na si Clarise.
Batay sa ulat ng Camarines Sur Provincial Police Office na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente pasado alas-9 ng gabi sa tahanan ng mga biktima sa Barangay Borongborongan sa nabanggit na bayan.
Ayon sa imbestigasyon, pansamantalang iniwan ng kanilang mga magulang na natutulog ang mga bata upang makipanood ng telebisyon sa kapitbahay nang maganap ang trahedya.
Lumilitaw sa imbestigasyon, na dahil sa hangin ay nagliyab ang kurtina matapos na madikit sa gasera na iniwan ng mag-asawa sa tabi ng bintana.
Mabilis na kumalat ang apoy na nagliyab din sa kumot ng mga natutulog na magkakapatid.
Sa bilis ng pangyayari ay nabigong mailigtas pa ang mga biktima matapos makulong ng apoy sa naglalagablab na bahay.
Sising alipin naman ang mga magulang ng magkakapatid sa sinapit ng kanilang mga anak na sa halip na magsaya ang mga ito ay luksa ang sumalubong sa Bagong Taon.
- Latest
- Trending