College exec pinalaya ng Sayyaf

MANILA, Philippines - Ilang oras bago mag-noche buena, pinalaya na ng mga bandidong Abu Sayyaf ang vice president for aca­demic affairs ng Basilan State College kamakalawa ng gabi o bisperas ng Pasko.

Kinilala ni Philippine Na­tional Police Spokesman Chief Superintendent Leo­nardo Espina ang pinalayang bihag na si Dr. Orlando Fa­jardo, 50-anyos, residente ng Brgy. Sumagdang, Isabela City ng lalawigan.

Batay sa report ni Director Felizardo Serapio, hepe ng Directorate for Integrated Police Office sa Western Min­danao, si Dr. Fajardo ay pi­nalaya ng mga kidnappers dakong alas-9:30 ng gabi nitong Disyembre 24 o ilang oras bago ang pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Pinaniniwalaan naman, ayon kay Armed Forces of the Philippines-Western Minda­nao Command Chief Major Gen. Ben Mohammad Dolor­fino na na-pressure ang mga kidnappers sa puspusang search operations ng tropa ng 1st Marine Brigade sa Sulu kaya napilitang palayain ang bihag.

Kasalukuyan namang ina­alam ng mga awtoridad, ayon sa mga opisyal sa lugar, kung nagbayad ng ransom ang pamilya ni Fajardo kapalit ng pagpapalaya dito.

Nauna nang humingi ang grupo ni Abu Sayyaf Com­mander Furuji Indama ng P20 milyong ransom sa pamilya ni Fajardo at kung hindi ay papatayin ang biktima.

Si Fajardo ay dinukot ng mga armadong kalalakihan habang ipinaparada ang kanyang sasakyan sa com­pound ng tahanan nito sa kahabaan ng Mahogany Drive, Sumagdang noong Disyembre 10 ng taong ito. Joy Cantos

Show comments