MANILA, Philippines - Anim na katao ang namatay nang dalawang tindahan ng rebentador ang magkasunod na nasunog sa magkahiwalay na insidente sa General Santos City at Cebu.
Ayon sa ulat, tatlong babae ang nasawi habang isang batang lalaki ang nasugatan sa sunog na tumupok sa isang tindahan ng paputok sa General Santos City sa Mindanao kahapon ng madaling-araw.
Sinabi ni General Santos City Police Director Sr. Supt. Marcelo Pintac na nagbunsod sa sunog ang isang pumutok na rebentador na tumama sa isang hanay ng mga tindahan din ng paputok sa Oval Plaza sa Pendatun St. bandang alas-12:01 ng hatinggabi.
“May nagpa-fireworks, natumba (iyong paputok), tapos tinamaan iyong ibang fireworks dun sa tabi, at pumutok iyong ibang fireworks,” sabi ni Pintac.
Dalawa sa mga biktima ang agad na namatay habang ang pangatlong babae ay nalagutan ng hininga habang ginagamot sa isang ospital.
Kinilala sa ulat ng GMA News ang isa sa nasawi na si Arlene Arnaiz, 28, ng Brgy. Fatima.
Nasugatan sa insidente ang walong taong gulang na si Jomari Panuntungan na ginagamot pa habang isinusulat ito.
Tinayang P1.6 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian.
Samantala, tatlong katao rin ang namatay nang masunog ang 46 na tindahan ng paputok sa Mandaue City sa Cebu kamakalawa ng gabi.
Naganap ang sunog bandang alas-10:00 ng gabi sa Brgy. Sentro sa naturang lunsod.
Kinilala sa ulat ang mga nasawi na sina Minumba Bulao; Acmad Villacorta Barode, 7; at Osama bin Ibrahim Renabaca, 8. Buntis si Bulao nang mamatay.
Lumilitaw sa pangunang pagsisiyasat na nagsimula ang sunog nang subukan ng isang mamimili sa isa sa mga tindahan ang isang rebentador.
Tumilapon naman sa ibang mga tindahan ang nasindihang rebentador.