BAMBANG, Nueva Vizcaya , Philippines – Apat-katao ang kumpirmadong nasawi na kinabibilangan ng mag-asawa, anak at pamangkin, habang dalawang iba pang ang nasugatan makaraang araruhin ng truck ang traysikel na sinasakyan ng mga biktima noong Martes ng gabi sa national highway ng bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya.
Batay sa ulat ng pulis-Bambang, kabilang sa mga namatay ang mag-asawang sina Joel Cajimat, 37; driver ng tricycle; Hilda Cajimat, 35; anak na si Catrina Cajimat, 12; at ang pamangkin ng mag-asawa na si Beverly Ann Cajimat, 18; pawang mga residente ng Barangay Macate.
Ginagamot naman sa Veterans Regional Hospital ang dalawang anak ng mag-asawa na sina Karen Joy Cajimat, 16; at Kyle Gian Cajimat, 3.
Ayon kay P/Chief Insp Janton Albano, hepe ng PNP Bambang, dakong alas-11 ng gabi nang maganap ang aksidente sa sharp curve ng highway sa Brgy. Macate matapos araruhin ng Isuzu Forward truck ni Percy Baculi ng Tanza ng Tuguegarao City-Cagayan ang traysikel ng mga biktima.
Sa pahayag ni Baculi sa pulisya, umiwas umano ito sa sasakyan na nag-overtake na naging dahilan para tumama ito sa waiting shed bago tuluyang sumadsad at dumagan sa traysikel na sinasakyan ng mga biktima na sinasabing papasok sana sa nasabing pangunahing kalsada.