Baril na tinangay ng NPA narekober

MANILA, Philippines - Nasamsam ng mga awtoridad sa isang magsa­saka ang isa sa mga baril na natangay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na sumalaklay sa himpilan ng pulisya sa bayan ng San Narciso sa Quezon noong Linggo.

Batay sa report ni P/Chief Supt. Perfecto Palad, kinilala ang naarestong magsasaka na si Ildefonso Masaganda, 56, ng Sitio Mabilog, Brgy. Buenavista, San Narciso.

Si Masa­ganda na pormal na nakakasuhan ay nasa­kote noong Martes dakong alas-4:25 ng hapon sa follow-up ope­ration ng pulisya. Nakuha sa pag-iingat nito ang cal. 38 revolver na homemade shotgun at anim na rounds ng bala ng M16 Armalite rifle.

Sa nasabing NPA raid ay nagpanggap pa ang mga itong sundalo na nag­suot ng Army camouflage at may mga kasa­mang pekeng reporter na lulan ng tatlong van.

Ka­bilang sa natangay na baril ay limang M16 Armalite rifles, apat na 9mm, apat na shotgun, isang cal. 38 revolver, bandoleer, sari-saring bala, laptop, computer hard drive, tatlong cell­phone, ilang uniporme ng mga pulis at P 30,000 cash na pondo ng nasabing him­pilan. Joy Cantos

Show comments