Baril na tinangay ng NPA narekober
MANILA, Philippines - Nasamsam ng mga awtoridad sa isang magsasaka ang isa sa mga baril na natangay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na sumalaklay sa himpilan ng pulisya sa bayan ng San Narciso sa Quezon noong Linggo.
Batay sa report ni P/Chief Supt. Perfecto Palad, kinilala ang naarestong magsasaka na si Ildefonso Masaganda, 56, ng Sitio Mabilog, Brgy. Buenavista, San Narciso.
Si Masaganda na pormal na nakakasuhan ay nasakote noong Martes dakong alas-4:25 ng hapon sa follow-up operation ng pulisya. Nakuha sa pag-iingat nito ang cal. 38 revolver na homemade shotgun at anim na rounds ng bala ng M16 Armalite rifle.
Sa nasabing NPA raid ay nagpanggap pa ang mga itong sundalo na nagsuot ng Army camouflage at may mga kasamang pekeng reporter na lulan ng tatlong van.
Kabilang sa natangay na baril ay limang M16 Armalite rifles, apat na 9mm, apat na shotgun, isang cal. 38 revolver, bandoleer, sari-saring bala, laptop, computer hard drive, tatlong cellphone, ilang uniporme ng mga pulis at P 30,000 cash na pondo ng nasabing himpilan. Joy Cantos
- Latest
- Trending