40 NPA rebs kinasuhan
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Pormal na kinasuhan sa piskalya ang 40 rebeldeng New People’s Army kaugnay sa pagsalakay sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Divilacan, Isabela noong Nobyembre 29, 2009.
Ayon kay P/Senior Supt Jimmy Rivera, police director ng Isabela, inilabas na ang warrant of arrest kamakalawa laban sa grupo ng Bagong Hukbong Bayan kaugnay sa kasong robbery na inihain ng pulisya matapos salakayin ang naturang himpilan.
Kabilang sa mga kinasuhan ay ang lider na si Rey Villadorez, alyas Harold Magno; Jay Valencia, at Mario Agustin, kapwa miyembro ng executive committee ng Central Front ng CPP-NPA sa Isabela.
Sa tala ng pulisya, tinangay ng mga rebelde ang ilang malalakas na kalibre ng baril, bala at iba pang gamit.
Kasunod nito, hindi naman sinaktan ng mga rebelde ang ilang naka-duty na pulis na sina PO1 Dingaya at PO1 Espanto na labis ang pagkabigla nang tumigil sa harapan ng kanilang himpilan ang dumptruck na puno ng mga armadong rebelde. Victor Martin
- Latest
- Trending