MANILA, Philippines - Pitong opisyal ng pulisya sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang nahaharap sa summary dismissal proceedings kaugnay sa Maguindanao massacre na ikinasawi ng 57 katao kabilang ang 32 mediamen sa bayan ng Ampatuan noong Nobyembre 23.
Kabilang sa mga opisyal ng PNP na nakaambang sibakin sa hanay ng pulisya ay sina P/Supt. Abusama Maguid, officer-in-charge ng Maguindanao Police Provincial Office; P/Chief Inspector Sukarno Dicay, deputy provincial director; P/Inspector Armando Mariga ng 1506th Provincial Mobile Group (PMG); P/Inspector Saudi Mokamad, ng 1507th PMG; P/Inspector Rex Diongon, ng 1508th PMG; P/Senior Inspector Abdulgapor Benasing Abad, commanding officer ng 15th Regional Mobile Group at si SPO2 Badawi Bakal , OIC ng himpilan ng pulisya sa bayan ng Ampatuan.
Sa imbestigasyon ng Regional Investigation and Detective Management Division-Police Regional Office-ARMM, lumilitaw na hindi lamang pabaya sa tungkulin ang Maguindanao PPO kundi mismong mga tauhan nito ang sangkot sa pakikipagsabwatan sa angkan ng mga Ampatuan.
Natukoy pa na ilang opisyal ng pulisya ang mis mong namuno sa pagharang sa convoy ng mga Mangudadatu may 2 hanggang 5 kilometro ang layo sa pinangyarihan ng masaker.
Magugunita na nang dumating ang tropa ng Philippine Army at tina tanong ang grupo ni Dicay kung may napansin silang dumaang convoy ng mga Mangudadatu sa checkpoint ay tumanggi ang mga ito at sinabing walang nakita at wala ring narinig na mga putok ng baril mula sa killing fields ma lapit lamang sa checkpoint. Joy Cantos