GENERAL SANTOS CITY , Philippines — Pinaniniwalaang may kaugnay sa May 2010 eleksyon ang pamamaslang sa dalawang volunteer ng People’s Champ Movement ni boxing champ Manny “Pacman” Pacquiao makaraang ambusin ng mga di-pa kilalang kalalakihan noong Biyernes sa bisinidad ng Barangay Datu Dani sa bayan ng Kiamba sa Sarangani.
Kinilala ni P/Senior Supt. Resty Gatera, ang mga napatay na sina Alexander Ampan, SK chairman ng nabanggit na barangay at Nacorol Agil, dating barangay kagawad.
Ayon sa ulat, ang dalawa na lulan ng motorsiklo habang papauwi mula sa kanilang bukirin sa Barangay Gasi nang ratratin pagsapit sa bahagi ng Tuban Bridge sa Purok Lanzones.
Itinanggi naman ni Gatera na ang motibo ng pamamaslang ay may kaugnayan sa politika.
Napag-alamang bago mapatay sina Ampan at Agil na sinasabing kasama ng coordinator ng political party ni Pacman na si Art Peduca ay namahagi pa ito ng PCM survey form sa iba’t ibang barangay sa nabanggit na bayan.
Napilitang ihinto ng tatlo ang pamamahagi ng PCM survey form nang mapan sin nilang may sumusunod sa kanila na tatlong motorsiklo na may lulang mga kalalakihan.
Idinagdag pa ni Peduca na isang araw bago maganap ang pamamaslang kay Agil na kinumpirma nito na may mga taong galit sa kanila dahil sa volunteering sa political camp ni Manny Pacquiao.
Nagbigay naman ng financial assistance sa mga biktima ang tagapagsalita ng PCM na si Atty. Minveles Gulle.