SAMAL, Bataan, Philippines —Isang siyam na taong gulang na batang mag-aaral ang malamang na huminto sa kanyang klase kung hindi umano mabibigyan ng karampatang kaparusahan ang kanyang guro na nanghambalos sa kanyang katawan ng walis tambo sa loob ng kanilang silid-aralan sa Calaguiman Elementary School, Barangay Calaguiman, Samal, Bataan.
Nagkadurug-durog pa umano ang walis tambo makaraang walang puknat na ihambalos ito ng 62-anyos na gurong si Alicia Magtanong sa biktimang si Erizaldy Bantay, grade 3 sa naturang paaralan.
Lumilitaw sa imbestigasyon na, noong Disyembre 10, nakapulot si Bantay ng isang sirang wall clock.
Binitbit ni Bantay ang wall clock sa loob ng kanilang silid-aralan bago niya ito initsa hanggang lumusot ito sa ilalim ng isang upuan.
Nagkataon namang nagwawalis si Magtanong na nang makita ang wall clock ay sinita ang bata at kinompronta ito kung bakit sinira nito ang relo.
Kasunod nito, pinaghahampas umano ng guro ng walis-tinting ang estudyante sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.
Dahil sa takot ng bata at napahiya sa kanyang mga kaklase, hindi na ito pumasok sa klase ang bata na kahit Christmas Party nila kahapon ay hindi na rin dumalo dahil sa takot sa kanyang guro.
Bumakat sa katawan ng biktima ang mga hampas ng suspek na siyang dahilan para magdemanda ang kanyang mga magulang sa office of the prosecutor laban kay Magtanong.
Kasong paglabag sa R.A. 7610 (anti-child abuse law) at administrative ang isinampa laban sa guro dahil sa pananakit sa kanyang estudyante. Jonie Capalaran