BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Nabigo ang kampo ni ex-Governor Benjamin Dy na makuha ang writ of execution na hinihirit sa Commission on Elections (Comelec) 2nd Division upang tuluyan nang manungkulan bilang gobernador ng Isabela.
Ang inihain na apela ni Dy ay humihiling na ipatupad ang desisyon ng Comelec na patalsikin si Gov. Grace Padaca sa puwesto matapos ang Comelec recount.
Si Dy ay humihiling ng writ of execution para manungkulan bilang gobernador habang si Padaca naman ay umaasang makakuha ng temporary restraining order (TRO) upang hindi tuluyang mapatalsik sa puwesto.
Samantala, nagtipun-tipon ang mga taga-suporta ni Padaca para sa mapayapang prayer rally sa harapan ng kapitolyo kahapon ng umaga at mapayapang nagsilisan pasado alas-2 ng hapon.
Bago pa ang itinakdang pagdinig sa writ of execution ay unang inihayag ni Dy na susunod sila sa hakbang na naayon sa batas kasabay ng pangako na hindi gagawa ng anumang karahasan upang agawin ang kapitolyo ng Isabela. Victor Martin