BATANGAS CITY, Philippines — Sinampahan ng kasong graft ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang isang mayor ng Batangas kaugnay sa maanomalyang pagpasok sa P8.18 milyong computerization project na sinasabing hindi dumaan sa public bidding noong 2004.
Sa 3-pahinang information na inaprubahan ni acting Ombudsman Orlando Casimiro, nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Lemery, Batangas Mayor Raul B. Bendaña.
Sa imbestigasyon ni Graft Investigation and Prosecution Officer I Vladimir F. Pelaez, na may sapat na dahilan laban kay Bendaña at posibleng nagkasala sa ibinibintang na kaso kaya dapat lamang na sumailalim sa pagdinig.
Sa mga nakalap na dokumento, lumilitaw na pumasok sa isang kontrata si Bendaña sa Amellar Solutions para sa computerization program ng munisipyo noong August 31, 2009.
Inaprubahan ni Bendaña ang P6,188,737.00 pabor sa Amellar Solutions para sa computerization ng Revenue Generation System na sinasabing hindi dumaan sa pinaiiral na Government Procurement Reform Act.
Inirekomenda ng Office of the Ombudsman ang P30,000 bail bond ni Bendana para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Tumayong mga saksi sina State Auditor Marissa Bayot ng Commission on Audit at mga kawani ng munisipyo na sina Roberto Ricalde, Modesto de Leon, Lenelita Balboa at Alicia Mangubat. Arnell Ozaeta