CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Nauwi sa trahedya ang masayang inuman ng magkakaibigan makaraang pagbabarilin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa Barangay Paliparan 3, sa bayan ng Dasmariñas, Cavite kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga napaslang ay sina Joel Siervo, Jason Siervo at Jay son Manota, pawang nakatira sa nabanggit na barangay.
Samantala, sugatan naman ang isang nagngangalang Michael na naisugod sa St. Paul Hospital matapos magtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Alfred Corpuz, lumilitaw na nag-iinuman ang mga biktima sa pagdiriwang ng birthday ni Joel sa bisinidad ng Block 12, Phase 1 nang pasukin sila at ratratin ng tatlong armadong kalalakihan bandang alas-9 ng gabi.
Kasalukuyang inaalam ng pulisya ang pagkikilanlan ng mga suspek na pinaniniwalaang kakilala ng mga biktima.