MANILA, Philippines - Niransak ng mga armadong kalalakihan ang tanggapan ng Regional Governor ng Autonomous Region In Muslim Mindanao (ARMM) sa Cotabato City, ayon sa ulat kahapon. Ito’y sa gitna na rin ng pinaiiral na state of emergency matapos namang bawiin na ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang idineklarang martial law sa Maguindanao. Sa report na nakarating sa Camp Crame, nadiskubre ng mga kawani ang nagkalat at nakabuyangyang na mga cabinet at maging ang mga nakakandadong pintuan ng iba’t ibang opisina sa ARMM. Maging ang safety vault ng Treasurer’s Office ng ARMM ay binuksan din. Kaugnay nito, mariing pinabulaanan naman ni AFP- Eastern Mindanao Command chief Lt. Gen. Raymundo Ferrer, ang mga espekulasyon na mga sundalo ang nasa likod ng insidente. Joy Cantos