Plataporma ni Ferrer inilahad
ZAMBALES, Philippines — Kailangan ang progresibo at tuluy-tuloy na programang pangkaunlaran para maisakatuparan ang tunay na pag-angat ng kabuhayan ng mga residente sa bayan ng Botolan, Zambales.
Ito ang tahasang sinabi ng chairman ng Provincial Mining Regulatory Board na si Atty Noel Ferrer, na kakandidato sa mayoralty race sa nabanggit na bayan sa ilalim ng Liberal Party at suportado ni Zambales Governor Amor Deloso. “Kailangang magkaroon ang ating bayan ng pangmatagalang programa na tutugon at akma sa pangangailangan ng mga residente base sa resulta ng mga konsultasyon,” ani Ferrer.
Sa ginanap na pulong sa kanyang tahanan, inilatag ni Ferrer ang kanyang platapormang 5-Point Agenda for Genuine Change and Progress na magiging gabay ng kanyang administrasyon sakaling maluklok bilang alkalde ng Botolan. Kabilang sa plataporma ni Ferrer ay nakatuon sa proyektong pangkabuhayan sa lahat ng barangay, pagpapaunlad ng edukasyon, programa sa kalusugan, pagkilala sa karapatan ng mga katutubo at pagpapalakas sa kanilang lipi, at proyekto na magpapalakas sa sektor ng matatanda, kabataan at magsasaka. “Naniniwala ako na sa pamamagitan ng pag-aakma ng aking 5-Point Agenda at sa regular na konsultasyon sa taumbayan ay maisusulong ang kalakalan at turismo,” ani Ferrer. Randy Datu
- Latest
- Trending