BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Sa kalagitnaan at kainitan ng usapin tungkol sa desisyon ng Commission On Election Comelec na nagpapatalsik kay Isabela Governor Grace Padaca pabor kay dating Governor Benjamin Dy, usapin sa mga nahuling kahoy naman ngayon ang isa pang pinag-babangayan ng dalawang kampo.
Ito ay matapos na hulihin ng mga tauhan umano ni Alicia Mayor Napoleon Dy ang apat na truckload ng mga troso na sinasabing napanalunan ng mga buyer mula sa bidding ng Isabela provincial government.
Ayon kay Padaca, ang 455,000 board feet na hinuli ng mga tauhan ni Dy sa Alicia, Isabela ay bahagi umano ng 1.8 million board feet na mga kahoy na nasa pangangalaga ng provin cial government at pinaghirapang hinuli ng kanyang itinatag na anti illegal logging task force sa lalawigan.
Ayon naman kay Dy, walang masama sa pagpapatupad ng mga awtoridad sa kanilang mga tungkulin. Pakakawalan anya ang mga troso kapag legal ang papeles ng mga ito.
Iginiit naman ni Padaca na ang mga kahoy ay may malinis na dokumento mula sa Department of Environment and Natural Resources. Victor Martin