MANILA, Philippines - May 31 preso kabilang ang dalawang mataas na opisyal ng Moro Islamic Liberation Front ang nakatakas makaraang lusubin ng may 30 miyembro ng MILF ang Basilan Provincial Jail sa Isabela City kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa ulat ng Basilan Provincial Police Office, sa naturang paglusob ay isang jail guard at isang tagalabas ang nasawi sa sagupaan na tumagal ng halos 10 minuto.
Sa inisyal na ulat ni Senior Supt. Rolando Purruganan, ganap na ala-1:45 ng madaling-araw nang lusubin ng armadong grupo ang bilangguan sa may Sumagdang, Isabela City.
Nagkasagupaan ang mga jail guard at rebelde na hinihinalang mula sa 114th base command ng MILF hanggang sa mangibabaw ang puwersa ng huli at mapasok ang piitan sa pamamagitan ng pagsira sa mga kandado ng rehas gamit ang bolt cutter.
Sinasabing kasama sa mga nakapuga ay ang mga MILF commander na sina Dan Laksaw at Kamsa Limaya na nakabase umano sa Al-Barka sa bayan ng Basilan. Sila Laksaw at Limaya ay itinuturing na “high profile” na bilanggo na miyembro ng 114th base command ng MILF. Ang mga ito rin ang umano’y kabilang sa namugot sa 10 sundalo ng Philippine Marines noong Hulyo 2007.