Sikretong desisyon ng Comelec naunang kumalat sa Isabela
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Bago pa man ipinalabas ng Commission on Elections ang inaabangang desisyon sa election protest ni dating Governor Benjamin Dy laban kay incumbent Governor Grace Padaca ng Isabela ay una na umanong kumalat sa lalawigan ang sana ay sikretong desisyon.
Sa email na natanggap ng pahayagang ito mula sa kampo ni Padaca, bago ang inaasahang pag-anunsiyo ng desisyon ng Comelec ay kumalat na umano ang balita sa Isabela na si Dy ang nanalo at hindi si Padaca sa lokal na halalan sa Isabela noong 2007.
Sinabi ni Padaca na nauna silang napagsabihan na sa Disyembre 8 ang promulgasyon ng desisyon. “Okay lang sana iyon kasi talaga namang hinihintay rin namin ang desisyon para alam na kung ano talaga ang mga nangyari noong eleksyon pero, sa mga nakakarating na kaalaman sa amin, sinasabi nilang panalo raw si Benjamin Dy sa kaso niya laban sa akin na nagpaparatang na dinaya ko siya sa eleksyon,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Padaca na isang TV reporter pa ang unang tumawag sa kanya noon pang Disyembre 3 upang siya ay kapanayamin tungkol sa kanyang umano ay pagkatalo na ikinagulat naman ng gobernadora.
Sa kabila ng desisyon na ipinalabas ng Comelec ay nanindigan pa rin si Padaca na wala pa ring mababago sa kapitolyo kasabay ng pagpapalabas ng Special Order 27, series of 2009, na nagsasabing siya pa rin ang gobernador ng Isabela.
Ayon kay Padaca, mayroon pang mga prosesong dapat sundin dahil binig yan sila ng Comelec ng limang araw upang maghain ng motion for reconsideration para sa en banc decision. Victor Martin
- Latest
- Trending