MANILA, Philippines - Natukoy na ng security forces ng pamahalaan ang isa sa umano’y mga ‘firearms keeper” o tagaingat ng mga armas ng maimpluwensiyang angkan ng mga Ampatuan na itinuturong nasa likod ng Maguindanao massacre noong Nobyembre 23.
Kasabay nito, naglunsad na ng massive manhunt operations ang pinagsanib na elemento ng pulisya at militar laban sa suspek na si Macapagal Kamendan.
Si Kamendan ang umano’y umaaktong chief security sa compound ng pamahalaang panlalawigan ng Autonomous Region for Muslim Mindanao sa Cotabato City.
Ang paglutang ng pangalan ni Kamendan ay kasunod naman ng pagkakadiskubre sa 20 matataas na kalibre ng baril na pag-aari umano ng kanyang grupo at itinago sa bagong tayong septic tank sa likod ng Regional Telecommunications Office sa ARMM compound.
Sa deskripsyon ng mga sundalo, ang mga narekober na armas ay hindi ordinaryong baril na ginagamit ng mga taga-bantay sa government at private properties. Sinabi naman ni Task Force 12 Alpha Commander Chief Supt. Felicisimo Khu na inihahanda na nila ang mga posibleng kaso laban kay Kamendan. Joy Cantos