BULACAN, Philippines — Anim na armadong kalalakihan na sinasabing miyembro ng kidnap-for-ransom gang ang iniulat na napaslang makaraang makipagbarilan sa mga alagad ng batas kahapon ng madaling-araw sa bayan ng Calumpit, Bulacan.
Nailigtas naman ang kinidnap na si Avtar Singh, negosyante at residente ng Veterans Village, Quezon City habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng anim na may mga tattoo sa iba’t ibang bahagi ng katawan at sinasabing walang anumang identification card na nakuha.
Lumilitaw na kinidnap ng grupo ang biktimang lulan ng Toyota Innova (ZFZ 629) noong Biyernes ng Disyembre 4 sa bisinidad ng Luzon Avenue, Quezon City bago dinala sa bahagi ng Barangay Pio Cruzcosa sa bayan ng Calumpit.
Makalipas ang ilang oras ay nakipag-ugnayan ang mga kidnaper sa misis ni Avtar na si Amamia Singh kung saan humihingi ng P5 milyon ransom kapalit ng kalayaan ng trader.
Kaagad naman naipaabot ni Amamia ang insidente sa mga tauhan ng PACER kung saan naibaba ang ransom sa halagang P75,000.
Matapos na pumayag ang mga kidnaper na maibaba sa P75,000 ang hinihinging ransom ay napagkasunduang iaabot ang nasabing halaga sa ba hagi ng Calumpit pero lingid sa grupo ay nakaposte na ang mga tauhan ni P/Supt. Dave Foklay ng Intelligence Branch ng Bulacan PPO.
Dito na sumiklab ang shootout kung saan napatay ang tatlo habang ang tatlong iba pa ay napatay naman sa bisinidad ng Calumpit-Pulilan Road sa Barangay Caniogan matapos ang maikling habulan.
Narekober sa magkahiwalay na encounter site ang anim na baril, P75,000 na naibigay bilang ransom, at ang Toyota Innova na pag-aari ng Avtar.