MANILA, Philippines - Dahil sa matalas na pang-amoy ng mga K9 dog ay nahukay ang mga bulto ng camouflage uniform, isang sakong bala kahapon ng pinagsanib na elemento ng pulisya at military sa bahagi ng Barangay Poblacion III sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao.
Ayon kay Col. Leo Ferrer, commander ng Army’s 601st Infantry Brigade, bandang alas-2:45 ng hapon nang marekober ang ibinaong mga uniporme at sari-saring bala ng armas na pinaniniwalaang ginamit sa Maguindanao massacre noong Nobyembre 23.
Inihayag ni Ferrer na ang nahukay na iba’t ibang uri ng mga bala na nakalagay sa sako, mga camouflage uniform ng pulis, Special Cafgu Active Auxiliary (SCAA) at Civilian Volunteer ay may ilang metro lamang ang layo mula sa bahay ni Maguin danao Vice Governor Akhmad Ampatuan na pinsan ni Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr.
Si Akhmad ay nauna nang isinailalim sa imbesti gasyon kung saan hinimatay pa sa himpilan ng Maguindanao Provincial Police Office matapos mahulihan ng mga baril na walang lisensya habang kasama ang tatlong pulis sa checkpoint may ilang araw na ang nakalipas.
Inihayag ng opisyal na mayroon silang tipster na nagturo sa pinagbaunan ng bulto ng camouflage uniform at ilan ay may mga bakas pa ng natuyong dugo at bulto ng mga bala habang inaasahang marami pa silang madidiskubre habang patuloy ang operasyon.
“Palagay ko ibinaon para maitago ang mga ebidensya,” pahayag ni Ferrer kung saan masusi nang isinasailalim sa pagsusuri ang mga camouflage uniform at mga balang nahukay. Joy Cantos