MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa limang sibilyan makaraang makulong sa nasusunog na bahay kamakalawa sa Bunawan District, Davao City, Davao del Sur. Kabilang sa mga nasawi ay ang mag-asawang sina Danilo Perez at Maria Lida Perez, kapwa guro; mga anak na sina Daryll John, Dinies Christine at ang pamangking si Eda Maria Cuello. Lumilitaw sa police report na nakarating sa Camp Crame na magkakasamang natutulog ang mga biktima nang sumiklab ang apoy sa sala ng kanilang tahanan bandang alas-3:43 ng madaling-araw. Nadamay na tinupok ng apoy ang gusali ng Daniel Perez Elementary School kung saan naapula ang apoy dakong alas-5 na ng umaga. Joy Cantos