MANILA, Philippines - Sinalakay ng pulisya at militar ang bahay ng isang pulis na sinasabing pinagtataguan ng mga armas na ginamit sa Maguindanao massacre sa isinagawang operasyon sa Cotabato City kahapon ng umaga.
Gayon pa man, ayon kay P/Chief Supt. Felicisimo Khu, commander ng Task Force Alpha, na isang M16 Armalite rifle lamang at may tampered ang serial number ang nakuha sa bahay ni P/Inspector Saudi Mukamad sa Anghal Subdivision, Barangay Padua.
Isasailalim sa ballistic exam ang nakumpiskang baril upang malaman kung tutugma ito sa mga slug na nakuha sa crime scene sa Brgy. Salman, sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao.
Bago ito ay nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na sa bahay ni Mukamad itinatago ang may 15 M16 Armalite rifles na ginamit sa Maguindanao massacre. Nina Doris Franche, Joy Cantos AT Artemio Dumlao