MANILA, Philippines - Walang piskal at hukom sa Cotabato at maging sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang nais na humawak sa kaso ng Ampatuan kaugnay ng kasong Maguindanao massacre .
Ito ang kinumpirma kahapon ni Justice Secretary Agnes Devanadera matapos niyang malaman na halos lahat ng hukom sa Cotabato City ay nakapagtatakang naka-bakasyon lahat nitong nakalipas na linggo.
Isa sa mga dahilan ay ang kawalan ng piskal at hukom kung kaya’t nagkaroon ng delay ang paghahain ng pormal na kaso sa korte laban kay Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan, Jr. na isinasangkot sa Maguindanao massacre kung saan aabot sa 57-katao kabilang na ang 30 mamamahayag ang napaslang, ayon kay DoJ Sec. Devanadera.
Aminado naman si Devanadera na ang kawalan ng mga huwes ang nagpapahirap ngayon sa kanila upang agad na maisampa ang kaso lalo pa’t may ilang pressure mula sa mga pamilya ng biktima.
Bukod dito, lumikas na rin ang mga government prosecutor sa area ng Cotabato sa pangamba sa kanilang seguridad.
Dahil dito, ipinasya ni Devanadera na magdala na lamang ng mga prosecutor mula sa Manila kung saan hiniling niya sa Supreme Court ang pagbuo ng special court o paglili pat ng lugar sa paglilitis ng kaso ni Ampatuan.
Napag-alamang nagtalaga na rin ang Supreme Court ng hukom sa Cotabato City para tumanggap ng kasong isasampa ng DoJ laban kay Ampatuan, Jr. at iba pang akusado. Nina Doris Franche, Joy Cantos AT Artemio Dumlao