7 bayan binalot ng dilim
ZAMBALES , Philippines — Aabot sa pitong bayan sa lalawigan ng Zambales ang dumanas ng partial blackout simula pa kamakalawa ng umaga makaraang mag-aklas sa kani-kanilang puwesto ang mga kawani ng electric company.
Kabilang sa mga bayang naapektuhan na umabot sa kalahating milyong residente ang nasa dilim ay ang Subic, Castillejos, San Marcelino, San Antonio, San Narciso, San Felipe at bayan ng Cabangan.
Ang pag-aaklas ay bilang suporta sa mga opisyal ng Zambales Electric Cooperative (ZAMECO II) na inatasan ng korte na bakantehin ang kanilang opisina base sa reklamong isinampa ng mga dating opisyal.
Una rito, tinanggap ni Zameco II Interim Board Chair Engr. Dominador Gallardo, ang writ of injunction order na ipinalabas ni Judge Raymond Viray ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 75 na nag-uutos bakantehin nito at iba pang opisyal ang kanilang puwesto.
Bilang pagpapakita ng suporta kay Gallardo, nag-aklas ang mga kawani ng ZAMECO II, partikular sa Sub-station sa bayan ng Castillejos.
Napag-alamang naapektuhan ang maraming negosyo sa mga bayang binalot ng dilim.
Kumalat din ang impormasyon, na ilang kawani ng Zameco II ang nagtago ng mga piyesa ng power station sa Castillejos kung kaya naganap ang brownout. Randy Datu
- Latest
- Trending