AdCongress saludo sa SBMA
OLONGAPO CITY , Philippines — Namangha at sumaludo ang organizer ng 21st Philippine Advertising Congress (PAC) sa kakayahan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na mag-host ng napakalaking pagtitipon sa loob lamang ng maikling paghahanda.
Ito ang inamin ni Charmaine Canillas, chairperson ng Philippine Advertising Board, na nangasiwa sa biennial AdCongress na ginanap sa Subic Bay Exhibition and Convention Center noong Nobyembre 18-21.
Makaraang salantahin ng kalamidad ang Baguio City, kailangang ilipat ang venue ng 21st AdCongress at nagdesisyon ang organizer na gawin muli sa Subic Freeport Bay.
“Tinanggap kami ng SBMA, kahit tatlong linggo na lamang bago ang pagsisimula ng okasyon,” pahayag ni Canillas.
“Humanga kami sa kakayahan ng SBMA dahil pinatunayan kahit gaano kalaking okasyon at kaikling panahon, propesyunal pa rin ang kanilang kilos at desisyon,” dagdag ni Canillas.
Aabot sa 3,000 delegado mula sa industriya ng advertising ang lumahok sa naturang okasyon, hindi pa kabilang ang daan-daang crew at staff ng mga sponsor na naglagay ng kani-kanilang booth. Randy Datu at Alex Galang
- Latest
- Trending