OBANDO, Bulacan, Philippines — Isang dalagitang estudyante ang ginahasa ng isa niyang kainumang lalaki sa isang pagtitipon sa Barangay Lawa sa bayang ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng 15-anyos na biktimang 2nd year high school student ang suspek na si Lambert Carbon, 18-anyos, residente ng Barangay Lawa.
Sinabi ng biktimang itinago sa alyas na Cathy na, bandang alas-4:30 ng hapon kamakalawa, niyaya siya ng isa niyang kaibigang babae sa isang pagtitipon sa bahay ni Carbon.
Nang dumating sila sa bahay ay nadatnan na nila ang ilan pang kalalakihan na umiinom at nagkakasayahan hanggang sa pwersahin na siyang painumin ng alak ng mga dinatnan niyang bisita dito.
Nakaramdam si Cathy ng pagkahilo at, dakong alas-9:30 ng gabi, nagulat siya na nasa loob na siya ng kuwarto ng suspek na kasiping nito at walang saplot sa buong katawan kabilang na dito ang pananakit ng maselang parte ng kanyang katawan.
Agad na tumakbo ang biktima sa kanilang bahay upang isumbong sa kanyang tiyahin ang pangyayari.
Matapos na maidokumento ang inihaing reklamo ay agad na ipinasuri ang biktima sa Crime Laboratory Office sa Camp Crame, Quezon City na pinatunayan naman na positibo ang biktima sa panggagahasa.
Kasong Rape in Relation to R.A.7610 ang kinakaharap ng suspek na kasalukuyang nakapiit na sa himpilan ng pulisya. (Boy Cruz)