Dahil sa masaker, 2 AFP official sa Maguindanao sinibak
MANILA, Philippines - Tinanggal kahapon ng liderato ng Armed Forces of the Philippines sa puwesto ang dalawang opisyal ng Philippine Army matapos ang malagim na Maguindanao massacre noong Nobyembre 23 na ikinasawi ng 57 katao kabilang ang 27 mediamen sa bayan ng Ampatuan ng lalawigan noong Lunes.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, kinilala ni AFP-Public Affairs Office Chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr., ang dalawang opisyal na sina 6th Infantry Division Chief Major Gen. Alfredo Cayton at 601st Brigade Chief Col. Medardo Geslani.
Sinabi ni Brawner na tinanggal ang dalawang opisyal para bigyang-daan ang patas na imbestigasyon sa umano’y kapabayaan at kakulangan kaugnay ng naturang insidente.
Sinabi ni Brawner na pansamantalang hahalili sa dalawang opisyal ang Assistant Division Commander at Deputy Brigade Commander habang nagsasagawa pa ng pagpupulong ang AFP Board of Generals kung sino ang hahawak sa posisyong babakantehin ng dalawang opisyal.
Nilinaw naman ni Brawner ang mga ito ay sinibak sa puwesto hindi sa usapin ng kriminal na aspeto tulad ng mga isinasangkot sa krimen kundi sanhi ng mga reklamo sa mga ito gaya ng kabiguan umanong magbigay ng seguridad sa pamilya ni Maguindanao gubernatorial candidate Ismael “Toto” Mangudadatu.
Noong Lunes ay hinarang, kinidnap at brutal na pinaslang ng may 100 armadong kalalakihan ang 57 katao habang magsusumite sana ng Certificate of Candidacy ang pamilya Mangudadatu sa Commission on Election sa insidente sa Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao.
Idinagdag pa nito na hindi suspect sa krimen sina Cayton at Geslani dahil wala naman ang mga ito sa crime scene tulad ng mga akusadong pulis at kung hindi dahil sa dalawang opisyal lalo na ang heneral na ipinag-utos ang ‘aerial reconnaissance ay malamang na naibaon na ng mga kriminal ang lahat ng mga ebidensya tulad ng mga sasakyan na inilibing sa hukay kasama ng mga minasaker na biktima.
- Latest
- Trending