ARMM police director, PNP force sa Ampatuan sinibak
MANILA, Philippines - Sinibak na rin kahapon ni PNP Chief Director Jesus Verzosa ang Maguindanao police director at buong puwersa ng Ampatuan PNP.
Kabilang sa mga sinibak sa puwesto ay si ARMM provincial director Faisal Umpa kung saan pansamantalang ipinalit si P/Senior Supt. Benjamin Latag bilang OIC.
Sinibak din ang buong puwersa ng Ampatuan PNP na may 20 pulis sa pangunguna ni SPO2 Badawi Bakal.
Naunang pinatawan ng administrative relief ang OIC ng Maguindanao Provincial Police Office na si P/Senior Supt. Abusana Maguid, P/Chief Insp. Sukarno Dicay, OIC deputy police director ng Maguindanao; P/Senior Insp. Ariel Diongon, OIC ng 1508th Provincial Mobile Group; P/Inspector Armando Mariga, OIC ng 1506th PMG at P/Insp. Saudi Mokamad ng 1507th PMG.
“The PNP and AFP security personnel have also secured the entire stretch of the national highway connecting these three vital installations in Maguindanao,” pahayag ng PNP Chief.
“Kailangang palitan ang lahat ng opisyal ng pulisya sa Maguindanao upang magkaroon ng patas na imbestigasyon sa pagkakadawit ng mga pulis sa karumaldumal na krimen,” pahayag ni Puno.
Samantala, umaabot na sa 347 miyembro ng Special Cafgu Active Auxiliary (SCAA) sa Maguindanao ang dinisarmahan matapos buwagin ng AFP kahapon.
Alinsunod pa rin sa idineklarang state-of-emergency sa Maguindanao, Sultan Kudarat at Cotabato City, sinabi ni Verzosa na lahat ng permit to carry firearms (PCF) ay sinuspinde upang mapigilan ang paglaganap ng karahasan.
Kasunod nito, muling iginiit ni Verzosa sa Comelec na aprubahan ang reko mendasyon ng PNP na limitahan sa dalawang close-in security aide na nakauniporme at dalawang sibilyan ang escort ng mga pulitiko. Joy Cantos
- Latest
- Trending