MANILA, Philippines - Nasa kontrol na kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang provincial capitol ng Maguindanao at dalawang bayan matapos ang brutal at malagim na masaker sa 57-katao, kabilang na ang 37 mamamahayag noong Lunes ng umaga.
Sa pahayag ni DILG Secretary Ronaldo Puno na maliban sa kapitolyo ng Maguindanao ay nasa ilalim na rin ng kontrol ng militar at pulisya ang municipal hall ng Ampatuan at Shariff Aguak na sinasabing balwarte ng maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan.
“What we did was to focus on three general areas: take physical control, conduct an honest-to-goodness investigation that will yield evidence that will hold up in court and informing the public of developments and keeping confidential first information of sensitive character, measures that need to be implemented first before we can report it to the media,” ani Puno.
Ang hakbang ayon sa Kalihim ay upang mapigilang magamit ang nasabing mga tanggapan ng mga Ampatuan na idinidiin sa krimen.
Alinsunod naman sa ipinalabas na Resolution # 2009-610 ng National Police Commission, sinabi naman ni Vice Chairman Eduardo Escueta ng Napolcom, na inaalis na nila ang karapatan ng mga gobernador at mga alkalde sa lahat ng munisipalidad at maging sa kapitolyo bilang kinatawan ng Napolcom sa lugar na kanilang nasasakupan.
Ipinalabas ang nasabing kautusan kaugnay ng pagkakadawit ng mga pulis at Special Civilian Active Auxiliary sa malagim na krimen.
Idinagdag pa ng opisyal na maari lamang ibalik ang kontrol ng mga lokal na opisyal sa mga security forces kapag nanumbalik na sa normal ang sitwasyon sa lalawigan.