Cafgu binuwag ng AFP
MANILA, Philippines - Ipinag-utos na kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagbuwag sa lahat ng Special Cafgu Active Auxiliary na aabot sa 200 ang bilang sa Maguindanao.
Ayon kay AFP Vice Chief of Staff at Acting Chief of Staff Lt. Gen. Rodrigo Maclang, ito’y matapos na madawit sa Maguindanao massacre ang mga Cafgu sa pagpaslang sa 52-katao kabilang ang 37 mamamahayag sa bayan ng Ampatuan noong Lunes.
Sinabi ni Maclang na ang hakbang ay bahagi ng Plan of Action ng AFP sa pagdedeklara ng state of emergency sa nabanggit na lalawigan.
Kasabay nito ay ipatutupad din ang pagkumpiska sa lahat ng mga armas, uniforms at ammunitions na inisyu sa mga Cafgu sa Maguindanao na ipatu-turnover na sa AFP.
“Currently the AFP is looking into reports alleging the involvement of the Cafgus into the recent Maguindanao massacre,” ani Maclang.
Ayon kay Maclang, kasalukuyan na rin nilang iniimbestigahan ang posibleng pagkakadawit ng kanilang sariling mga tauhan sa insidente matapos ang mga itong akusahang hindi nagbigay ng seguridad sa convoy sa asawa ni Buluan Vice Mayor Ismael ‘Toto’ Mangudadatu.
Sinuspinde na rin ni Maclang ang mga inisyung permit sa mga kinauukulan para makapagdala ng mga baril at mission order sa Maguindanao.
“The AFP continues to assist the PNP in the conduct of pursuit operations to capture the perpetrators of the recent merciless actions that undermined our nation’s democratic principles,” dagdag pa ng heneral.
- Latest
- Trending