Seajack: 3 opisyal ng barko kinidnap
MANILA, Philippines - Nagmistulang Somali pirates na sinasabing nang-hostage sa 36-crew ng Spanish trawler Alakrana ang grupo ng kalalakihang dumukot sa tatlong opisyal ng tugboat sa karagatan ng Siocon, Zamboanga del Norte, kamakalawa.
Ayon kay Lt. Commander Armand Balilo, kabilang sa mga dinukot ay sina Captain Felipe Miranda, Chiefmate Cecilio Layasan, at si Chief Engr. Radsie Magtanong na pawang opisyal ng Barge Salvmar-II.
Sa impormasyong nakalap sa bisor ng Cebu Barge and Tug Corp. na si Arnulfo Braulio, naglalayag ang Motor Tug Marinero na hila ang barge Salvmar-II mula sa Port of Makar Wharf, General Santos City patungo sa Iligan City nang harangin ng mga armadong kalalakihang sakay ng tatlong pump boat.
Walang nagawa ang mga biktima laban sa mga pirata na sumampa sa MT Marinero at Salvmar II bandang alas 11 ng gabi kung saan tinangay din ang Global Positioning System, radio equipments, cellphone at provisions ng mga biktima.
Gayon pa man, sinabihan ng mga pirata ang ilang crew na dadalhin nila ang tatlong bihag sa town proper para kontakin ang may-ari ng tugboat.
Ayon kay Maritime Industry Authority (Marina) regional director Basiruddin Adil, na ang tugboat ay nakarehistro sa Cebu City at pag-aari ng Visayas Sealink.
Kaagad naman inalerto ni Admiral Wilfredo Tamayo ng Coast Guard Action Center ang mga naglalayag na barko sa karagatan ng Siocon Bay na mapagmatyag at ipaalam kaagad ang anumang kahina-hinalang mga sasakyang dagat sa nasabing lugar.
Aminado ang PCG na wala pa silang natutumbok na pagkilanlan sa grupo ng mga pirata. Ludy Bermudo at Ricky Tulipat
- Latest
- Trending