Konsehal kinasuhan
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Pormal na sinampahan ng reklamo sa piskalya ang isang konsehal na umano’y nasa likod ng pamamaril sa assistant ng isang broadcaster sa Barangay Bagna ng bayang ito.
Kasong frustrated murder ang isinampa laban sa suspek na si Jeff Tansinsin, 29, residente ng Brgy Balubad, Bulakan, Bulakan.
Nakasaad sa reklamo ni Rommel Ramos, broadcaster ng DWSS at stringer din sa GMA-7, binaril ang kanyang assistant na si Erwin Bunag, 35, noong nakaraang Sabado dakong alas-11:30 ng gabi malapit sa bahay nito sa Brgy. Bagna.
Papauwi na umano ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo nang aksidente nitong nasagi ang nakaparadang motorsiklo ng suspek na may plakang 7777-CM kung saan ang huli ay nakikipag-inuman sa ilang mga kaibigan nito. Agad na bumaba ng kanyang sasakyan ang biktima at itinayo ang nabuwal na motor ng suspek ngunit laking gulat na lang nito nang bigla na lang makarinig ng dalawang sunod na putok ng baril.
Ilang saglit pa ay nakita ng biktima na duguan ang kanyang balikat kaya agad na tumakbo at humingi ng tulong kay Ramos na malapit ang bahay sa pinangyarihan ng insidente. Mabilis naman na nakahingi ng tulong ang mga biktima sa mga rumespondeng pulis at nakumpirma mula sa Firearms and Explosive division ng Philippine National Police na nakarehistro kay Tansinsin ang .45 cal na pinagmulan ng bala na tumama kay Bunag.
Bunsod nito, kinondena ang nasabing panghaharass sa dalawang mediamen ng pamunuan ng National Union of Journalists of the Philippines, Freedom Fund for Filipino Jounalists, Center for Media Freedom and Responsibility, Bulacan Capitol Press Corps at Central Luzon Media Association. Boy Cruz
- Latest
- Trending