Lider ng Sayyaf dedo sa militar
MANILA, Philippines - Patay ang isang notoryus na lider ng Abu Sayyaf matapos makaengkuwentro ang tropa ng military sa Brgy. Cambug, Al Barka, Basilan kamakalawa.
Ang Abu Sayyaf Commander na si Abdulla Ajijul alyas Abu Termijie na may patong sa ulo na P3.3M ay napaslang nang makaengkuwentro ang military dakong alas-11:30 ng umaga sa Sitio Baquisong, Brgy Cambug, Al Barka.
Unang nakatanggap ng intelligence report ang military na si Ajijul ay nananatili sa naturang lugar kaya agad na nagsagawa ng operasyon ang mga otoridad at natiyempuhan ang pakay, ngunit sa halip na sumuko ay nakipagbarilan ito.
Sa ulat, si Ajijul ay isang terrorista na sanay umanong maghasik ng kaguluhan sa mga lalawigan at nakabase sa Zamboanga City.
Ito din ang responsable sa serye ng pambobomba sa ilang lugar sa Basilan at pagdukot sa tatlong guro sa Landang Gua island, Zamboanga noong Enero. May nakabimbin din warrant of arrest laban kay Ajijul dahil sa kasong kidnapping with serious illegal detention.
Nakuha naman mula sa bangkay ni Ajijul ang isang M653 rifle with scope at isang Motorola radio.
- Latest
- Trending