MANILA, Philippines - Sinampahan na ng pulisya ng kasong kriminal ang 28 kidnaper kabilang ang isang kumander ng mga bandidong Abu Sayyaf kaugnay sa pagdukot sa tatlong Tsino at isang Pinoy sa bayan ng Maluso, Basilan noong Nobyembre 10.
Ayon sa tagapagsalita ng pulisya na si P/Chief Supt. Leonardo Espina, kabilang sa mga kinasuhan ay sina Mujahid Nasirin, Amilhusin Insoh, Daniel Musa, Omar Musa, Commander Furuji Indama, Moton Indama, Hud Limaya, Adam Mingkong, Muktar Abon, Ismael Sakkan, Nasser Butug at 17-iba pa
Ang mga suspek ay itinuturong dumukot kina Jerry Tan, Michael Tan, Oscar Tan na pawang negosyante sa High Tech Woodcraft, Inc. at sa guwardiyang si Mark Singson noong Nobyembre 10 sa Brgy. Townsite sa bayan ng Maluso.
Ang grupo ni Indama ay maraming beses na nasangkot sa kasong kidnapping kung saan ilan sa kanilang mga biktima ay ang mga bihag na pinugutan dahil sa hindi nakabayad ng ransom.
Isinasangkot din ang grupo ni Indama sa pamumugot sa sampu sa 14 nasawing miyembro ng Philippine Marines matapos makorner sa engkuwentro sa Al Barkha, Basilan. Joy Cantos