MANILA, Philippines - Isasailalim sa Witness Protection Program (WPP) ng pulisya ang hawak na saksi na magdidiin sa mga suspek na sangkot sa kasong pagpatay sa Comelec official sa bayan ng Tumauini, Isabela kamakalawa.
Ayon kay P/Chief Supt Roberto Damian, na nasa kanilang kustodiya ang isang guest relations officer (GRO) na naging kasama ng mga naarestong suspek na sina Giovanni Taccad Mendoza at Michael Magdangal ilang oras bago ang pagpatay kay Atty. Michael Valdez.
Napag-alamang narinig ng saksi ang mga suspek na pinag-uusapan ang biktima habang nakikipag- inuman sa bahay ng nagngangalang Jessie Calanday sa isang barangay sa bayan ng Ilagan.
Naniniwala si Damian na matibay ang kanilang mga ebidensya at testimonya ng saksi upang madiin sa kasong murder ang mga suspek.
Samantala, patuloy naman ang pagtugis sa tatlong iba pang suspek na responsible rin sa krimen noong Sabado na naganap sa Country State Inn sa bayan ng Tumauini. Joy Cantos