Truck bumaligtad, 8 todas
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines – Walong katao ang kinarit ni kamatayan habang dalawang iba pa ang sugatan nang bumaligtad ang kanilang sinasakyang truck kahapon ng umaga sa Barangay Tayabo, San Jose City, Nueva Ecija.
Kinilala ng pulisya ang anim sa walong nasawi na sina Salvador Pacillo ng Pantabangan; Romeo Ortiz; Narciso Ortiz; Renato Villanueva; at Jerry Gaspar, kapwa mga residente ng Santa Monica, Rizal; at Fidel Ayap ng Santo Niño 3, San Jose City na pawang nasa naturang lalawigan.
Nakilala naman ang dalawang nakaligtas at nasugatang sina Glorioso Tobias, 32, residente ng Zone 9, Barangay Tayabo at Ruben Villanueva, 23, ng Santa Monica.
Ayon kay Insp. Apolinario Agustin, Deputy Chief of Police for operation ng San Jose City Police Office, dakong alas-8:45 ng umaga nang bumaligtad ang 10 wheeler truck (RGT 432) na minamaneho ni Tobias sa pababang bahagi ng national highway sa Barangay Tayabo.
Galing umano ang truck lulan ang mga biktima mula sa Tabuk, Kalinga karga ang humigit kumulang sa 400 kaban na palay na kanilang binili sa Codillera subalit, pagdating sa tulay ng Barangay Tayabo, napansin ng driver na nawalan ng preno ang kanilang truck hanggang sa tuluyan na itong bumaligtad.
“Ligtas sina Tobias at Villanueva pero ang walong iba pa nilang kasamahan na karamihan ay nakasakay sa likurang bahagi ng truck ang siyang sinawing palad,” pahayag ni Agustin. Bagama’t isinalaysay ng driver na si Tobias ang dahilan ng aksidente ay inihayag ni Agustin na nagsasagawa pa rin sila ng masusing imbestigasyon sa pangyayari.
- Latest
- Trending