MANILA, Philippines - Nalambat ng militar ang dalawang kalalakihan na sinasabing pirata sa isinagawang operasyon sa bayan ng Dumalinao, Zamboanga del Sur kamakalawa ng umaga. Kinilala ang mga nasakote na sina Gaudencio “Dencio” Laure, 40; at Francisco Misa, 39, kapwa nakatira sa Brgy. Ticala, San Pablo. Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang mga suspek ay nasakote sa security patrol operations sa bisinidad ng Purok Manga sa bayan ng Dumalinao bandang alas-5 ng umaga. Sa tala ng AFP, ang mga suspek ay sangkot sa pamimirata sa karagatang nasasakupan ng Zamboanga Peninsula at pangingikil sa mga residente na naninirahan malapit sa mga baybayin. Joy Cantos