Principal, pinugutan ng ulo
MANILA, Philippines - Bunsod ng ’di agad pagbibigay ng ransom money, tuluyan ng pinugutan ng ulo ng Abu Sayyaf Group ang principal na una ng dinukot sa Sulu.
Ang biktimang si Gabriel “Bong” Canizares, 36, guro sa Kanague Elementary School sa Patikul, Sulu ay tinadtad ng taga sa mukha at pinugot ang ulo saka isinilid sa kulay itim na bag at iniwan ng mga kidnapper nito sa tabi ng isang gasoline station sa Jolo, Sulu dakong alas-4 ng madaling-araw kahapon, at narespondehan naman ng pulisya dakong alas-5:30 ng umaga.
Malaki ang paniniwala ng mga otoridad na ang hindi pagbabayad ng ransom ng pamilya nito ang naging motibo ng pagpugot sa ulo ni Canizares matapos na humingi ang ASG ng halagang P2M hanggang naibaba ito sa P1M para sa kalayaan ng biktima.
Naniniwala din si Sulu Provincial P/Director Sr. Supt. Tony Mendoza na maaaring nagalit ang mga kidnapper dahil P150,000 lang ang naibayad ng pamilya ng biktima. Agad naman na ibinigay ang ulo ng biktima sa kapatid nitong si Annabel Canizares matapos na positibong kilalanin ng mga kaanak nito.
Agad naman na ini-utos ni Philippine National Police chief Director General Jesus Versoza ang manhunt operation laban sa mga nasabing kidnappers para papanagutin sa pagpugot sa biktima.
Itinatag ni Verzosa ang Task Force Canizares at ito ay pamumunuan ni Supt. Christopher Panapan ng Sulu Provincial Office. Masusi din sinisiyasat ang posibleng paghihiganti ng ASG dahil sa pagkakadakip sa Deputy Commander ng 114th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front na si Hasan Asnawie.
Si Asnawie ang responsable sa pamumugot ng ulo sa sampu sa 14-napatay na miyembro ng Philippine Marines noong Hulyo 10, 2007 sa Al Barka, Basilan ng makorner ang mga ito ng Abu Sayyaf.
Samantala, mariing kinondena ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., ang nasabing pamumugot ng ASG at hinikayat ang mga residente sa nabanggit na lalawigan na labanan ang uri ng terrorismo na inihahasik ng ASG. Bunsod nito’y, magsasagawa ng punitive action ang military laban sa ASG. Ang biktima ay una ng dinukot noong Oktubre 19, 2009, habang sakay ng pampa saherong jeep na hinarang ng mga nasabing kidnappers sa Kilometer 7, Brgy. Tanum sa bayan ng Patikul.
- Latest
- Trending