MANILA, Philippines - Isang mag-ina ang napatay samantalang dalawa ang nasugatan nang pagtatagain ng isang lalaki na pabirong pinagbintangang aswang sa Dasmariñas, Cavite kamakalawa ng gabi.
Idineklarang dead-on-arrival sa St. Paul Hospital dahil sa tinamong mga malalalim na sugat na nilikha ng karit o panagpas ng tubo sina Maribel Quirante at anak nitong sanggol na dalawang buwang gulang na si Carl na halos humiwalay ang ulo sa insidente.
Ang live-in partner naman ni Maribel na si Raul Orbina at sanggol na anak nitong si Abigail ay kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa tinamong mga sugat sa kanilang mga katawan.
Ang suspek na si Claudio Orbista na binansagang ‘Aswang’ ng ilang kamag-anak ng mga biktima ay isinugod rin sa De La Salle University Hospital matapos na masugatan rin sa insidente sa panlalaban ni Raul Orbina.
Batay sa report ng Cavite Provincial Police Office, nangyari ang krimen dakong alas-10:00 ng gabi sa loob ng tahanan ng mga biktima sa Sitio Pitong Gubat, Barangay Paliparan 3.
Ayon kay Dasmariñas Police Chief Supt. Marcos Padilla Jr., ang suspek na armado ng patalim at karit ay bigla na lamang umanong lumusob sa tahanan ng pamilya at inatake ang mga ito na noo’y mahimbing ng natutulog sa loob ng kanilang kulambo.
Nagawa namang makatakas ni Raul sa suspect na nakalabas ng kanilang tahanan bagaman sugatan ito.
Sa puntong ito, pinagdiskitahan naman ng suspect na karitin ang mag-iina.
Sa kabila umano ng pakiusap ng ginang na niyakap ang kaniyang mga anak ay dinaluhong ang mga ito ng suspek at pinagkakarit kung saan ay dinapaan pa ng nasabing misis ang naturang sanggol kaya nakaligtas ito.
Ilang minutong pinagkakarit at pinagsasaksak na umano ng suspek ang mag-iina bago nakabalik sa bahay si Raul.
Natigil lamang ang paglalaban ng suspect at ni Raul nang magresponde ang mga awtoridad at isugod ang mga biktima sa pagamutan.
Lumilitaw sa imbestigasyon na bago ang insidente ay nagkaalitan sina Raul at Claudio na tinawag nitong ‘Aswang’ na labis umanong dinamdam ng huli. Ayon sa suspek, hindi umano niya maintindihan kung bakit nagawa niya iyon at nabanggit pa nito na para umanong sina niban siya ng masamang espiritu.
Kasong Double Murder at frustrated murder ang nakatakdang isampalaban sa nasabing suspek.