4 mangingisda nawawala

MANILA, Philippines - Apat na mangingisda ka­bilang ang mag-aama ang iniulat na nawawala sa kasagsagan ng masungit na panahon sa bayan ng Baler, Aurora, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ni P/Senior Supt. Romulo Esteban, ang mga nawawalang mangingisda na sina Ferdinand Basbas, 40; dalawa nitong anak na sina Michael Patrick Bas­bas, 20; at Norwin Basbas, 17; at Reynell Ritual, 16.

Nabatid na noon pang Miyerkules pumalaot ang apat subali’t nabigo ang mga itong makabalik hang­gang kinagabihan.

Bandang alas-8 ng uma­ga kahapon nang mag-report sa mga awtoridad si La­laine Basbas hinggil sa pag­kawala ng kaniyang mag-aama at ng kaibigan.

Sa pahayag ng ginang sa mga awtoridad, sinabi nito na labis siyang nag-aalala dahilan sa ilang araw ng na­wawala ang kaniyang mag-aama.

Ang kaso ng pagkawala ng apat na mangingisda ay ini-report na rin sa Bantay Dagat. Joy Cantos

Show comments